Hindi kumbinsido ang Kabataan party-list sa paliwanag ni Vice President Sara Duterte kung bakit kailangan ng Department of Education (DepeD) ng P150 million na “confidential funds.”
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na nakalatag na ang mga programa at kailangan na lamang tugunan ang isyu.
Mababatid na sa ginanap na budget hearing, ipinaliwanag ni VP Duterte na gagamitin ang confidential funds para tugunan ang sinasabing “sexual grooming” at iba pang pang-aabuso sa paaralan.
Hindi na aniya bago ang mga ganitong isyu at dapat may mga konkretong programa na at pondo para rito.
Pagdating naman aniya sa sinasabi ng DepEd na ilalaan ang confidential funds para tugunan ang umano’y recruitment ng terrorist groups sa mga eskwelahan, ipinaliwanag ni Manuel na hindi naman saklaw ng kagawaran ang national security.
Aniya pa, ang mas dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng DepEd partikular ni VP Duterte ay ang learning loss na nararanasan ng mga kabataan.
#
