CAMARINES NORTE- Mas nararamdaman ngayon ang malakas na alon ng karatagan lalo na ng mga sumasakay sa pampasaherong bangka sa bayan ng Mercedes Camarines Norte.
Sa loob na ng mahigit isang linggo ay nakabandera ang gale warning ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa sa karagatang sakop ng lalawigan dahil sa epekto ng Northeast monsoon.
Batay sa panibagong Sea travel advisory na ipinalabas ng Camarines Norte Coast Guard Station kaninang umaga asahan ang maalon hanggang sa napakaalon na kondisyon ng karagatan na aabot hanggang 16 feet ang taas na may 24- 36 wind knots.
Dahil dito mapanganib pa rin ang pagpalaot ng mga bangkang 250 gross tons pababa.
Dahil mahigit isang linggo nang hindi nakakapalaot ang mga mangingisda ay tumas na ng husto ang presyo ng isda sa Mercedes fish port kung saan nangagaling ang karamihan ng suplay na ibinebenta sa mga palengke.
Kahapon ay nag umpisa na ang mga mangingisda na itago sa ligtas na lugar ang kanilang bangka bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Inaasahang lalakas pa ang bagyo at aabot sa kategoryang tropical storm pagpasok ng PAR mamayang gabi.
