Itinanggi ng Malacañang ang umano’y sabwatan sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at ng Department of Agriculture (DA) sa pagpuslit ng mga gulay sa bansa.
Giit ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesperson Karlo Nograles, walang inter-agency collusion, dahil ang parehong BOC at DA ay nagtutulungan para mapigil ang vegetable smuggling.
Ang pahayag ni Nograles ay tugon mula sa pahayag ni Senator Panfilo Lacson na posibleng may sabwatan sa pagitan ng dalawang ahensya sa gitna ng naturang isyu.

Sa gitna nito, nanawagan ang kalihim sa publiko na makipagtulungan sa gobyerno sakaling may impormasyon sila kaugnay sa smuggling.
Matatandaan na noong Oktubre, nanawagan ang alyansa ng grupo ng mga magsasaka sa Cordillera region, para sa mas malakas na proteksyon para sa mga local farmers sa gitna ng smuggling concerns. //MHEL PACIA-TRINIDAD