Nagpahayag ng pangamba ang isang propesor sa lalawigan ng Palawan kaugnay sa aktibidad ng China sa mga isla sa palibot ng Spratly.
Ayon kay Aileen Joy Pactao, isang Political Science Teacher, matagal nang may ‘aggressive expansion” na ginagawa ang bansang Tsina sa karagatan kung saan tinatayang 70-80% na itong tapos.
Aniya, ito ay bunsod ng pananahimik ng dating administrasyon na nagbigay daan sa China na magsagawa ng mabilisan at agresibong expansion sa mga isla.
Wala aniyang klarong direksyon at ginawa para sa sektor ng mangingisda ang dating administrasyon sa loob ng nakalipas na anim na taon.
Ikinababahala rin ni Pactao ang kawalan aniya ng ispesipikong plano kung ano ang gagawin ng administrasyon ngayon sa pinag-aagawang teritoryo.
Kung hindi aniya seseryusohin ng gobyerno ang usapin sa West Philippine Sea ay maisasaalang-alang ang seguridad at pangangalaga sa natural resources at potensyal na mayroon dito.
Marami naman daw pwedeng gawin o mekanismo ang gobyerno para hindi mauwi sa giyera ang usaping ito kundi magkaroon ng malinaw na foreign policies.
Samantala, pinayuhan ng Prof. Pactao ang mga mambabatas at lider na bigyan ng klarong plano ang sektor ng mangingisda para sila’y proteksyonan.