Nais ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara na paimbestigahan ang madalas na red at yellow alerts pati na ang forced shutdown ng halos limampung planta ng kuryente sa bansa.
Batay sa House Resolution Number 1690, binigyang-diin ng Makabayan lawmakers na dapat panagutin ang generation companies dahil sa pagpalya ng mga planta at pagtaas ng singil sa kuryente.
Paliwanag nila, kailangang masiguro ng Kamara ang proteksyon sa mga consumer sa panahon ng krisis sa enerhiya.
Napapanahon din umano ang angkop na legislation hindi lamang para sa consumer protection kundi upang matugunan ang ugat ng energy crisis.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng mga hakbang upang hindi na maulit ang umano’y exploitation o pagsasamantala ng mga kumpanya sa usapin ng kuryente para kumita.
Ngayong araw lamang ay muling naglabas ng abiso ang National Grid Corporation of the Philippines kung saan itinaas ang yellow alert status sa Luzon at Visayas Grid.
Nitong nakalipas na dalawang linggo ay sunud-sunod din ang anunsyo ng NGCP ng red at yellow alerts.