Maj. De Castro, no show sa preliminary investigation sa kaso ng missing na si Camilon

Bigong muling magkaharap ang pamilya ng nawawalang si Catherine Camilon at ang itinuturong suspek na si PMajor Allan De Castro sa isinagawang preliminary investigation sa Hall of Justice ng Batangas City ngayong hapon, Disyembre 19.

Ito ay matapos na hindi dumalo at hindi nagpakita si De Castro at sa halip ay ang abogado nitong si Atty. Ferdinand Benitez ang kumuha ng kopya ng complaint.

Ayon kay Atty. Benitez, aasahan ang kanilang paghahain ng counter affidavit kasunod sa pormal na pagtanggap ng kopya ng reklamo.

Matatandaang nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention si De Castro pati ang ilang kasamahan nito na isinampa ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

 Kasabay nito ay umaasa ang ina ni Camilon na magkakaroon na ng linaw ang pagkawala ng kanilang anak kasabay sa pag-usad ng kaso.

Tanging hiling umano nila na maibalik ng ligtas ang kanilang anak sa lalong madaling panahon.

Muling maghaharap ang dalawang kampo sa pangalawang preliminary investigation sa January 9 sa susunod na taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *