NAGA CITY—Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang salarin ang isang 36-anyos na mais vendor sa Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Denifer Alarcon y Dela Rosa, may live-in partner, residente ng Zone 7 Barangay Bonot-Sta. Rosa.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay PSMS Cecilio Lopez, Inves PNCO ng Calabanga MPS, sinabi nito na pasado alas-9:00 kagabi ng makatanggap sila ng tawag hinggil sa umano’y pamamaril na nangyari sa nasabing Barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon lumalabas na posibleng inabangan ng salarin ang pagdaan ng biktima sa tulay ng Barangay lulan ng kaniyang motorsiklo. Agad na namatay si Alarcon matapos magtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Narekober sa lugar nang pinangyarihan ng krimen ang tatlong piraso ng fired cartridge at isang misfired mula sa bala ng hinihinalang shotgun.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen.
Nanawagan naman ito sa publiko na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan kung may nalalaman sa pangyayari para sa mabilis na pagkakadakip ng suspek.