Mahigit P3M na droga, nasabat sa probinsya sa Quezon

Batangas City – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit (QPDEU) ang isang High Value Individual at apat pang indibidwal sa probinsiya ng Quezon.

Kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina, alyas Itlog isang HVI, alyas Charmaine, alyas Ryan, alyas Joven, at alyas Luki.

Naaresto si alyas itlog sa ikinasang operasyon ng QPDEU sa Brgy. Pinagkamaligan Calauag, Quezon, habang naaresto rin sa hiwalay na operasyon si alyas Charmaine.

Nadakip din sa isa pang operasyon ng pulisya ang tatlo pang suspek na sina alyas Ryan at alyas Joven mula sa Tagkawayan, Quezon, at naaresto rin si  alyas Luki sa Tayabas City.

Nakumpiska mula sa mga naarestong suspek ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na aabot sa 170.76 grams at nagkakahalaga ng P3,483,504.00.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng kaniya-kaniyang operating units ang mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.