SORSOGON CITY – Nakapagbigay ang Office of Civil Defense-Bicol at ang Sorsogon Provincial LGU ng mahigit-kumulang P18.7M bilang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Bulusan simula pa noong Hunyo 5.
Sinabi ng tagapagsalita ng OCD-5 na si Gremil Alexis Naz na ang tulong ay sa pamamagitan ng family food packs, gamot at medical supplies tulad ng face mask at hygiene kits na ipinamahagi sa iba’t-ibang evacuation center sa lalawigan.
Nagbigay din ng tulong ang DSWD-Bicol, DOH-Bicol at iba pang national government agencies at non-government agencies na nagbigay ng P1M.
Aniya, prayoridad sa mga tulong na ibinigay ng ibat-ibang ahensya ang mga apektadong pamilya partikular sa mga pamilyang inilikas.
Pinakaapektado sa aktibidad ng nasabing bulkan ang mga bayan ng Juban, Irosin at Bulusan, kung saan aabot sa 10,707 na pamilya o katumbas ng 44,706 indibidwal ang naapektuhan ng ashfall mula sa 31 barangay.
Samantala, nakabalik na sa kani-kanilang tahanan noong Martes ang mga residente ng Brgy Puting Sapa sa bayan ng Juban.
Nananatili pa rin ang Alert Level 1 status sa Bulkang Bulusan na nasa estado pa rin ng hydrothermal unrest.###
