Nasabat ng mga otoridad ang mahigit 14.7 million pesos na halaga ng marijuana matapos maharang ang sasakyan ng apat na drug couriers sa hiwalay na checkpoint operations sa lalawigan ng Kalinga kahapon, February 25, 2022.
Unang naharang ng pinagsanib na pwersa ng Lubuagan Municipal Station, 1st and 2nd KPMFC, Kalinga PPO, CIDG, PDEA at iba pang enforcement units ang isang L300 type na behikulo sa Dinakan, Dangoy, Lubuagan.
Lulan ng naturang sasakyan ang bulto-bultong hinihinalang dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng 13.5 million pesos.
Arestado rin ang dalawang suspek na kinilalang sina Jeymor Eusebio, 31 anyos at Aldren Paul Pacio, 25-anyos na kapuwa mula sa Tuao, Cagayan.
Narekober ng mga operatiba ang 106 bricks at 7 tubular dried marijuana leaves mula sa naturang sasakyan.
Ayon sa dalawa, napag-utusan lamang umano silang kumuha ng mga gulay sa Tinglayan at hindi akalaing mga kontra bando pala ang laman ng 9 na kahon na sakay nito.
Samantala, sa hiwalay na operasyon ay nasabat din ng mga kasapi ng Tabuk City Police Station, PDEA, CIDG Kalinga at Apayao ang sampung piraso ng dried marijuana bricks at isang tubular form.
Aabot naman sa mahigit 1.2 million pesos ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando at ikinaaresto ng dalawa pang suspek na residente ng San Vicente, Tuao, Cagayan at Sitio Deasis, Barangay San Martin, Depores, Parañaque City.
Pinuri naman ni PCOL Peter Tagtag, Jr., Acting Provincial Director ng Kalinga PPO ang tropa sa matagumpay na pagkakasabat sa mga iligal na droga.
Photo/KPPO