Aabot sa 93,894 na mga quarantine violators ang naitala ng Philippine National Police (PNP) simula nang ipatupad ang pilot implementation ng Alert Level System sa Metro Manila noong Setyembre 16 hanggang Setyembre 23.
Sa tala ng PNP nasa 11,712 daily average ang bilang ng kanilang naaaresto.
Ayon kay PNP chief General Guillermo Eleazar bahagyang mas mababa ito kumpara noong nasa MECQ ang NCR na nasa 12,600 violators kada araw.
Nabatid naman mula kay Eleazar na 51% mula sa 93,894 na quarantine violators ay binigyan lamang nila ng warning, 43% ang kanilang tiniketan at 6% lamang ang dinala sa police station.
Maituturing naman umanong generally peaceful ang walong araw na pagpapatupad ng Alert Level System sa kalakhang Maynila.
Samantala, sa pinakahuling datos, nasa 220 mga lugar na ang nasa ilalim ngayon ng granular lockdown na matatagpuan sa 82 barangay mula sa siyam na siyudad sa Metro Manila.
