CAMARINES NORTE- Umaabot sa 640 examinees para sa August 20, 2023, Career Service Examination, Pen and Paper test (CSE-PPT) ang nakapaghain na ng application sa Civil Service Commission mula nang buksan ang filing period noong May 22 hanggang kahapon ng tanghali, June 1.
Ayon kay Camarines Norte CSC Acting Director II Atty. Alicia Salinas, mas marami ngayon ang target examinees na aabot ng 2, 025.
Sa bilang na ito 1, 725 ang kukuha ng professional examinations habang 300 naman ang sub-professional.
Ayon sa CSC dinagsa ng mga aplikante ang kanilang opisina sa Barangay Camambugan noong mga unang araw ng filing period.
Sa haba ng pila ay umabot pa ito sa may bahagi ng Hall of Justice na ilang metro din ang layo sa CSC Field Office.
Ayon sa ahensiya, hindi naman kailangang magdagsaan at pumila ng mahaba sa gitna ng matinding sikat ng araw dahil mayroong schedule sa New Normal Waitlist (N-List) System.
Bago kasi ang filing period ay binuksan ng CSC noon pang May 19 ang New Normal Waitlist (N-List) System (https://ro5apps.csc.gov.ph/nlist/) para sa mga interesado o nagnanais kumuha ng naturang exam.
Ang individual schedule of filing at karagdagang instructions para sa mga successfully registered applicants ay accessible sa N-List dashboard sa pag login sa individual account.
Tatagal naman ang filing period hanggang sa June 21.
