Tinatayang aabot sa 379 na mga indibidwal ang nananatili ngayon sa mga evacuation center sa lalawigan ng Batangas.
Ito ay matapos na magkaroon ng pagtaas ng tubig sa iba’t-ibang bayan ng nabanggit na probinsiya, kung saan nagkaroon ng pre-emptive evacuation ang nasa 279 na mga indibidwal mula sa barangay Tanaga, Calatagan, habang isang pamilya naman ang inilakas sa bayan ng Tingloy.
Umabot din sa 96 na indibidwal o katumbas ng 39 na pamilya ang nananatili sa evacuation center sa Barangay Libjo dahil sa pag apaw naman ng Tangisan River.
Samantala, mayroon namang mahigit animnapung indibidwal ang nananatili ngayon sa loob ng Batangas Port, dahil sa kanselasyon ng byahe.
Sa ngayon ay patuloy ang pagpapapasok ng Philippine Ports Authority sa mga dumadating na pasahero sa loob ng Batangas Port.
Patuloy rin ang pagmomonitor ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mahigit pitong daang barangay mula sa dalawampu’t-apat na munisipalidad ng Batangas na maaaring maapektuhan ng patuloy na pag-ulan. (WITH REPORTS FROM ZHESSANIE TAROMA – 104.7 BNFM BATANGAS)