Nasa mahigit 200 active sites na nagbibigay ng libreng internet connections ang naitayo na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 2 para sa mga residente na nasa ELCAC areas at Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.
Sinabi ni OIC Dir. Allan Lao, na mayroon ng kabuoang 251 ang bilang ng active sites sa buong lambak ng Cagayan ang kanilang naitayo sa ilalim ng kanilang programang “Free WiFi for all.”
Layunin aniya ng programang ito na mabigyan ng libreng internet connections ang publiko kung saan prayoridad nila sa ngayon ang mga pinakaliblib na lugar.
Ito umano ay upang matulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng libreng internet at maka-access sa iba’t-ibang serbisyo ng pamahalaan.
Aniya, maituturing na ring pangangailangan sa ngayon ang internet hindi lamang sa mga estudyante, mga nagtatrabaho sa opisina o naka-work from home kundi maging ang mga nasa malalayong lugar.
Maliban dito, ngayong panahon ng pandemic ay nakapagbigay din aniya sila ng kaparehong serbisyo sa mga ospital at Rural Health Units (RHU) na ginagamit lalong-lalo na sa pagrehistro sa vaccination.
Nilinaw naman ng Direktor na hindi bahay-bahay ang pagkakabit nito kundi sa mga pampublikong lugar at aabot sa 10-20 mbps ang internet speed.
Tiniyak naman ni Dir. Lao na secured ang kanilang internet services kaya makakaasang hindi makokompromiso ang mga mahahalagang impormasyon ng mga gagamit nito.
Samantala, sinabi pa ng Direktor na maliban sa ibinibigay na free wifi sa publiko ay nagbibigay din sila ng lecture kaugnay sa tamang paggamit ng internet at patungkol sa Internet Communications Protocol (ICP).