Magkapatid na kapwa akusado sa panghahalay sa kani- kanilang menor de edad na anak sa bayan ng Capalonga naaresto sa Nueva Ecija

CAMARINES NORTE- Naaresto ng mga tauhan ng Capalonga Municipal Police Station ang magkapatid na kapwa akusado sa panggagahasa sa kani- kanilang mga anak ilang taon na ang nakakalipas.

Ginawa ang pag- aresto sa dalawa, Huwebes ng umaga sa Barangay Lawang Cupang, San Antonio, Nueva Ecija sa bisa ng mga warrants of arrest na ipinalabas ng hukuman.

Sa ulat ni PCPT Teddy Flaga, ang hepe ng Capalonga Municipal Police Station kinilala ang mga suspek na sina alyas “Enteng” 57, may asawa at alyas “Danny”, 54 anyos, may kinakasama na kapwa residente ng Barangay Old Camp, Capalonga, Camarines Norte.

Read More:  Mati City students welcome proposed ₱5,000 cash grant for fresh graduates under senate bill 1961

Si alyas Enteng ay akusado sa panghahalay na may kaakibat na panananakot sa kanyang dalawang anak na babae na pawang nasa edad anim na taong gulang nang naganap ang krimen taong 2001 at 2004.

Ang akusado ay ikawalo sa Regional Most Wanted Person sa Bicol Region.

Ang isa pang suspek na si alyas Danny ay akusado rin sa panghahalay, pang-aabuso at pananakot na papatayin ang 14 anyos nitong anak na makailang ulit na naganap noong taong 2006 at ang huli  ay noong taong 2011.

Read More:  Drunk brother-in-law kills mother, injures teen over ₱500 debt in Negros Oriental

Si alyas Danny ay ikalawa naman sa listahan ng Municipal Most Wanted Person ng Capalonga.

Ayon kay Camarines Norte PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor, hindi katanggap-tanggap ang mga kawalang-hiyaang ginawa ng dalawang magkapatid na akusado sa kanilang sariling dugo at laman.

Sa isang pahayag sinabi ng opisyal na nararapat lamang na ang mga ito ay pagbayarin sa kanilang mga kasalanan upang mabigyan ng karampatang hustisya ang kanilang mga anak na naging biktima ng kanilang mga kahayukan.

Ang mga naarestong personahe ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Capalonga MPS para sa kaukulang disposisyon.