BICOL – AMINADO ang Department of Trade and Industry o DTI Bicol na ikinagulat ang na-monitor na mababang consumer awareness rating ng rehiyon nitong ikatlong kwarter ng taon.
Base kasi sa report ng DTI central office, bumagsak sa 31% ang consumer awareness rating sa Bicol na siyang “second to the last” sa buong Luzon.
Nangangahulugan ito na mababa ang kaalaman ng mga Bicolano pagdating sa mga binibiling produkto, iniaalok na serbisyo at maging kanilang mga karapatan bilang isang consumer.
Ikinagulat naman ang resulta DTI-Bicol Regional Director Rodrigo Aguilar at sinabing kwestyunable ito dahil malayong malayo ito mula sa nakuhang 96% rating ng rehiyon noong December 2020.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na patuloy ang ginagawa nilang mga hakbang para ito ay tugunan kahit pa nga ramdam pa rin umano ang epekto ng pandemya.
Sa katunayan umano, patuloy ang ahensya sa pagsasagawa ng mga seminars at information dissemination kasama ang mga suppliers at business owners upang ma-educate ang mga ito kaugnay sa consumer protection.
Habang tinutukan umano ng central office sa kasagsagan ng pandemya ang price stabilization, pagbili ng mga medical supplies at equipments.
Sa huli, nananawagan ang ahensya sa publiko, na maging wais at matalino sa pagbili ng produkto at pag-avail ng mga serbisyo gayundin alamin ang karapatan lalo na ngayong holiday season kung kalian kaliwa’t kanan na naman ang mga sales at pa-promo.