Ibinida ng Department of Health o DOH ang mga ginagawang hakbang ng kanilang kagawaran para matiyak ang maayos at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa bansa, sa ilalim ng Marcos administration.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, sa isang daang araw ng kanyang panunungkulan bilang kalihim, nakatuon sila sa pagsiguro na accessible ang mga healthcare services sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan.
Binigyang diin ng opisyal na dapat ramdam ng bawat Pilipino ang Universal Health Care o UHC alinsunod sa kanilang prinsipyo na “No one gets left behind”.
Dito rin naka base ang 8 point action agenda ng DOH, kabilang ang ligtas at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, paghahanda sa mga pandemya at krisis, at pagsiguro sa kapakanan at karapatan ng mga healthcare workers.
Sa taong 2023, itinuloy ng kagawaran ang one-stop shop program na nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap na pasyente sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming Malasakit Centers sa buong bansa.
Sa katunayan, hanggang nitong Setyembre mayroon nang 159 na Malasakit Centers, kung saan ang pinaka bagong itinayo ay nasa Bislig District Hospital sa Bislig City, Surigao del Sur.
Tinutukan din ng DOH ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na magpatupad ng whole-of-society approach sa paglaban sa TB at HIV/AIDS.