Kinilala na ng Phil Army ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) na pumaslang sa isang former rebel sa sabungan noong Oktubre 14 sa Brgy Guinlajon, West District, Sorsogon City.
Tinukoy ng 903rd Infantry ‘Patriot’ Brigade ang mga salarin na sina Ariel Duave alias Blackjack at Carl Mark Berania alias Macoy.
Mariing kinondena ng Team Patriot ang umano’y ‘duwag’ na insidente ng pamamaril sa dating rebelde.
Aniya, ang insidente ng pamamaril na kumitil sa buhay ni Rey Estopado alias Rigor ay isang malinaw na pagpapakita ng walang kabuluhang karahasan na sumasalot sa lipunan.
Nakakapanghinayang umanong masaksihan ang pagkawala ng buhay ng tao. Sa pamamagitan ng kriminal na gawaing ito, muling pinatunayan ng mga NPA na sila ay mga ‘human right violators’ na hindi nagpapahalaga sa buhay ng tao kasama na ang mga taong minsan ay sumuporta sa kanilang layunin.
Kasabay nito, binalaan ng commander ng 903rd Brigade na si BGen Alwine Almase ang mga miyembro ng NPA na responsible sa pagpatay sa dating Kadre na sumuko na dahil hindi umano sila makakapagtago mula sa patuloy na pagtugis ng mga puwersa ng ‘security forces.’ Tiniyak din ng opisyal na matatanggap ng biktima at pamilya nito ang hustisya.
Binigyan diin ng Team Patriot na sa nangyaring insidente, muling nilabag ng NPA ang International Humanitarian Law (IHL) at RA 9851 o ang Phil Act on Crime Against International Humanitarian Law.
