Target ng Land Transportation Office o LTO na wala nang backlog sa mga license card at plaka ng mga sasakyan pagsapit ng July 01.
Sa press briefing sa Malacañang kaninang tanghali, ibinahagi ni LTO Chief Asst. Secretary Vigor Mendoza na iniulat nila kay Pangulong Bongbong Marcos sa naganap na sectoral meeting kaninang umaga na sapat na ang mga driver’s license card para suportahan ang demand hanggang katapusan ng taon.
Ayon kay Mendoza, nasa 9.7 million cards na ang na bid-out ng DOTr at LTO, kaya positibo silang pagsapit ng July 1, mapalitan na ng plastic cards ang lahat ng may lisensyang papel.
Pinagsusumikapan rin ng ahensya na maipamigay na ang plaka ng mga sasakyan, lalo na sa mga bumili simula 2022 hanggang ngayong taon.
Habang ang mga replacement plate naman na tinatayang nasa 1.5 million, o yung mga dating kulay green na plaka na kailangang palitan ng black and white plates, ay target din nilang matapos sa katapusan ng taon.
Samantala, aminado naman ang LTO na nahihirapan sila sa pag resolba ng backlogs sa plaka ng mga motorsiklo.
Sa ngayon ay nasa mahigit 11 million pa ang backlogs mula pa raw noong taong 2014.
Kaya posibleng sa June 2025 pa nila matatapos ang backlogs sa plaka ng mga motorsiklo.