BICOL – Hindi na kailangan pang magtungo sa opisina ng Land Transportation Office ang mga Bicolano na may tnong o paglilinaw hinggil sa mga proseso at transaksyon ng ahensya.
Inilunsad kasi ng LTO sa rehiyon ang e-mail hotline na “LTO BICOL CARES” na pinalawak at pinadaling paraan upang makapaghatid ng impormasyon sa publiko lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sa pamamagitan ng kanilang official e-mail address na 𝗹𝘁𝗼𝗯𝗶𝗰𝗼𝗹𝗰𝗮𝗿𝗲𝘀@𝗴𝗺𝗮𝗶𝗹.𝗰𝗼𝗺, maaari nang makapagtanong hinggil sa mga bagong requirements sa pagkuha ng lisensya at rehistro ng sasakyan.
Bukas din ang nasabing e-mail hotline sa pagtanggap ng mga reklamo, hinaing, suhestyon, at feedback ng publiko.
Tugon din umano ito ng ahensya sa lumalaganap na “online scamming” kung saan marami na ang nagiging biktima ng mga kawatan ang nagpapanggap na konektado sa kanilang ahensya at
nagbibigay ng mga pekeng dokumento ng LTO kapalit ang malaking halaga ng pera.
Gayundin paraan din umano ito ng LTO-Bicol upang makapaghatid ng mga bagong kaalaman tungkol sa road safety sa lahat ng mga byahero at motorista.
Bukas naman ang naturang email hotline mula LUNES hanggang BIYERNES, mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.