Lumakas na sa isang tropical depression ang dating low pressure area na minomonitor ng PAGASA malapit sa southeast ng Palau.
Sinabi ng PAGASA na oras na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo ay tatawagin ito bilang Odette.
Sa tropical cyclone advisory ng PAGASA ay sinabi nito na huling namataan ang sentro ng tropical depression sa layong 1,900 km kilometers silangan ng Mindanao.
Sinabi ng PAGASA na lalakas pa ang bagyo sa isang tropical storm sa susunod na 24-oras at sa isang typhoon bukas ng gabi, o sa umaga ng Miyerkules.
Inaasahan naman ng PAGASA ang pag-landfall ng weather disturbance sa Eastern Visayas-Caraga Area sa gabi ng Miyerkules o sa umaga ng Huwebes.
Posible naman maitaas ang Tropical Cyclone Wind Signals sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, kung saan ay maaring umabot ang pinakamataas sa signal number 4.
Nag-abiso naman ang weather bureau sa publiko at sa disaster risk reduction and management offices na i-monitor ang mga updates nito.
