Wi-nelcome ni Senate Committee on Tourism chairperson Senadora Nancy Binay ang bagong tourism slogan ng Pilipinas na ‘Love the Philippines’.
Ayon kay Binay, naa-appreciate daw nila ang inisyatibo ng Department of Tourism (DoT) na palakasin pa ang marketing ng Pilipinas.
Sa pamamagitan ng bagong slogan – ipinakikita raw sa buong mundo na handa nang tumayo ang Pilipinas mula sa mga epekto ng pandemya, pati na rin sa pagtanggap ng mga turista.
Sa kabila niyan, kailangan pa rin umanong masuri ang ‘timing’ ng slogan change.
Titingnan daw kasi ang kakambal na gagastusin para rito.
Kung si Senador Chiz Escudero naman ang tatanungin – dapat ay mabigyan ng tiyansa ang bagong tourism slogan ng Pilipinas.
Sabi ng Senador, bagamat naniniwala siya sa kasabihang ‘if it ain’t broke – why fix it’, handa raw siyang bigyan ng pagkakataon ang bagong slogan matapos ang paggamit sa ‘It’s More Fun in the Philippines’ slogan ng higit sa isang dekada.
Sa datos ng DoT – ang ‘It’s More Fun in the Philippines’ slogan na itinatag noong 2012 ay nakapag-generate ng halos 5 million tourist arrivals noong 2013.