CAMARINES NORTE- Nahulog sa kamay ng mga awtoridad noong hatinggabi ng Sabado ang isang lolo na suspek sa pangagahasa sa sariling apo na nangyari mahigit tatlong taon na ang nakakalipas.
Kinilala ang suspek na si alyas Emong 64 anyos, kasalukuyang naninirahan sa Purok 7, Brgy, Matnog, Basud, Camarines Norte na ikapito sa listahan ng Provincial Most Wanted Person sa lalawigan ng La Union.
Bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni Acting Presiding Judge Ethelwolda Jaravata, ng Regional Trial Court Branch 39, tinungo ng pinagsanib na pwersa ng Basud at Balaoan, La Union Police ang lugar kung saan ito ngayon naninirahan.
Nahaharap ang suspek sa kasong 4 counts of rape at walang inirekomendamg piyansa ang hukuman.
Ayon sa PNP, nangyari ang umano’y panghahalay ng suspek sa kanyang 16 anyos na apo na naganap mismo sa bahay ng biktima noong taong 2018 kaya ito nagtago sa Basud para takasan ang kasalanang ginawa.
Sa isang pahayag naman ay tiniyak ni CNPPO Provincial Director PCOL Julius Guadamor na hinding- hindi aniya magiging kanlungan ng mga nagkasala at nagtatago sa batas ang lalawigan ng Camarines Norte.
