Lola patay sa sunog sa Iriga City

CAMARINES SUR- Lumalagablab na apoy, sigaw na may kasamang iyak ang gumising sa mga residente ng San Roque, Iriga City , kita rin ang makapal na usok Biyernes ng maghahating gabi, nasusunog ang isang bahay at nagresulta sa pagkamatay ng 68-anyos na lola.

Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News FM Naga sa Bureau of Fire Protection Iriga City, sinabi ni FO3 Peter Jay Pante, alas-11:24 nang maiulat sa kanila ang pangyayari. Rumisponde ang BFP Iriga at humingi rin sila ng tulong sa mga BFP stations sa mga karatig bayan sa Rinconada.

Pagdating nila, nasusunog na ang buong bahay, mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials. Pasado alas-12 ng madeklarang fire out. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog.

Sa kasamang palad, nagresulta ito sa pagkakasawi ng may ari na lola [nakiusap ang BFP na huwag nang pangalanan]. Lumalabas sa imbestigasyon ng BFP na nagising ang lola, nang makita ang apoy ginising rin ang mga kasamahan nito. Nagsitakbuhan papalabas ng bahay at humingi na ng tulong. Sa pagkakaalam nila nasa labas na rin ang lola pero natrap pala ito sa loob. Ayon kay FO3 Pante, posibleng bumalik ang lola sa loob ng bahay. Natagpuan ang biktima sa hagdan pasado alas-2 ng madaling araw.

P86,000.00 ang inisyal na pinsala. Maliban pa ito sa mga nadamay na commercial stalls. Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng apoy.

Pinaalalahan ng BFP ang publiko na siguraduhing maayos pa ang mga linya ng kuryente, walang maiiwang apoy, walang nakasaksak na appliances at iba pang maaaring pagmulan ng sunog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *