Local red tide warning inisyu ng BFAR Bicol sa Sorsogon Bay at coastal water ng Milagros, Masbate

SORSOGON CITY – Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol sa lahat ng mga mamamayan sa Sorsogon at Milagros Masbate pagdating sa pagkain ng mga shellfish.

Ito ay matapos magdeklara ang ahensya ng Local Red Tide Warning sa nasabing mga coastal waters matapos na magpositibo ang mga nakolektang sample sa Paralytic Shellfish Poison o PSP base na rin sa pinakahuling Shellfish Bulettin na ipinalabas ng ahensya kahapon, Oktubre 6.

Kaugnay nito, abiso ng ahensya sa publiko na habang hinihintay pa mula sa BFAR central Office ang confirmatory result ng pagsusuri ay iwasan na muna ang pagkuha, pagbenta, pagbili at pagkain ng lahat ng uri ng shellfish na magmumula sa nasabing mga lugar partikular na ang alamang.

Gayunpaman, ligtas pa ring kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimasag basta’t ito ay lilinisin at lulutuin ng mabuti.

Inaasahang sa mga susunod na araw ay lalabas na ang resulta ng mga ipinadalang sample kung saan dito palang magdedeklara ng red tide ang BFAR sa nasabing mga coastal waters.