CAMARINES NORTE- Nakatutok na rin ngayon ang mga awtoridad sa Camarines Norte hinggil sa posibilidad ng pagpasok ng Highly Pathogenic Avian Influenza o Bird Flu.
Kasunod yan ng nangyaring outbreak sa mga bayan ng Bula at Sipocot sa katabing probinsiya ng Camarines Sur.
Kaugnay naman nito ay hinimok ng Municipal Agriculture Office ang mga nagmamay ari ng poultry farm sa bayan ng Basud, Camarines Norte na mag apply ng libreng insurance sa gitna ng banta ng Highly Pathogenic Avian Influenza o Bird Flu.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Municipal Agriculturist Harry James Felomino, sinabi nitong mahalagang naka- insure ang poultry upang kung dumating man ang hindi inaasahang pagkakataon na makapasok ang Bird Flu sa lalawigan ay mayroong makukuhang tulong mula sa gobyerno.
Ang Basud ang daanan papasok ng Camarines Norte mula sa Camarines Sur kung saan nagkaroon ng outbreak.
Tiniyak naman ni Felomino na sa ngayon ay ligtas ang naturang bayan sa Bird Flu.
Nakipag ugnayan umano ang LGU sa Provincial Veterinary Office para sa mahigpit na pagbabantay sa boundary checkpoint.
Nagpalabas na rin ng circular and Department of Agriculture na ipinagbabawal ang pagpasok sa lalawigan ng ng mga hayop tulad ng itik at panabong na manok na posibleng maging carrier ng virus.
Hinimok rin ni Felomino ang mga nag aalaga ng manok na hanggat maaari ay iwasan muna ang pagbili ng itik, panabong na manok at maging ng balut galing sa ibang lugar.
Ang mga biyahero naman ay dapat mayroong shipping permit mula sa Bureau of Animal Industry at iba pang mga kinakailangang dokumento.
