Arestado ang anim na suspek na sangkot sa pamamaril sa kapwa nila mga Chinese sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director BGen. Victor Rosete, lima sa mga ito ay Chinese nationals at isa naman ang Pilipino.
May narekober din mga baril at bala sa mga naarestong suspek.
Samantalang, mayroon pang 4 na suspek ang hanggang sa ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.
Dalawa rito ay Chinese rin kabilang ang itinuturong mastermind sa insidente na si alias ‘Bo’ at 2 pa sa mga suspek ay pawang mga Pilipino.
Si alias ‘Bo’ ay una nang naaresto ng CIDG noong December 2022 dahil sa pagkakasangkot niya sa iba’t-ibang criminal activities.
Batay pa sa ulat ni BGen. Rosete, nangyari ang pamamaril noong Biyernes ng madaling araw kung saan nagtamo ng gunshot wounds ang dalawang Chinese na agad na isinugod sa pagamutan.
Sabi ni Rosete, dahil sa pagkakahuli sa mga suspek at pagtukoy sa mastermind, ikinokonsidera na nila ang kaso bilang ‘cleared’ o ‘solved’.
Sa ngayon nahaharap na ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at frustrated murder.
Ksalukuyang nasa kustodiya ang mga ito ng Forensic Unit ng SPD para sumailalim sa paraffin test.
Samantalang ang mga narekober na baril ay isasailalim naman sa ballistic examination. (Hannah Magnaye and Jhaldea Rulona – Brigada News Intern)