Ibinunyag ni PCol Hansel Marantan, acting City Director ng Davao City Police Office na nakausap ‘di umano niya ang limang kabataang babae na sinasabing ginahasa ‘di umano ni Apollo Quiboloy.
Ayon kay Marantan, nasa 13-anyos ang mga biktima nang sila umano’y gahasain ni Quiboloy at pinagbantaan ng “Angels of Death” kung lalabag sa ‘code of secrecy’.
Dagdag pa ni Marantan na walang tiwala ang mga kabataang ito sa mga otoridad dahil sa takot kay Quiboloy at sa kanyang ministeryo.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan ang reklamo at sinabing agad itong aaksyunan.
Hinikayat naman ng nasabing opisyal ang mga nabiktima ni Quiboloy na lumapit sa kapulisan at humingi ng tulong.
Sa hiwalay na pulong balitaan, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Col Jean Fajardo, na kakila-kilabot ang dinanas ng mga ito dahil ilang beses ‘di umano silang inabuso ni Quibuloy at pinaniwalaang “pure” pa rin sila dahil nakipagtalik sila sa isang “esperitu ng diyos”
Kapag na-break umano nila ang “code of secrecy” o kapag nagkwento sila ng karanasan ay hahabulin sila ng “Angels of Death” at pwede silang mapahamak o kaya naman ay mapahamak ang kanilang kamag-anak.
Hindi pa tiyak kung “goons” ba ang ‘Angels of Death’ o isang figure of speech lang.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na iniimbestigahan na nila ito.
Samantla, tinawag naman ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty Mark Tolentino, fake news at isang maritess ang impormasyon ng PNP at hiniling na sundin ang rules of court at rules of law.
Ipinapanalangin daw ng abogado na magkaroon ng propesyonalismo at hindi lamang para sa publicity ang pagtrato sa kaso. (with reports from JULIUS PACOT – 93.1 BNFM DAVAO)