Mariing pinabulaanan ni House Deputy Majority Leader for Communications Erwin Tulfo na may “timeline” na ang Kamara sa pagsusulong ng amiyenda sa Konstitusyon upang mai-regalo ito kay Pangulong Bongbong Marcos sa ikatlong State of the Nation Address.
Sa panayam kay Tulfo, sinabi nitong walang katotohanan ang mga impormasyong pinalulutang dahil mismong ang liderato sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez ay walang ibinigay na direktiba.
Iginiit ni Tulfo na naririnig na niya ang mga balita bago mag-break ang sesyon ngunit puro paninira lamang ang ibinabato kay Romualdez.
Sa katunayan, kaya aniya nananahimik ang mga kongresista ay dahil wala namang utos mula sa Speaker na kailangan nang kumilos para sa Cha-Cha.
Kasabay nito ay duda ang kongresista na mahahabol pa ang Cha-Cha sa SONA dahil mabigat ang trabaho sa plebisito at sa kabuuang proseso.
Fake news din umano na si Romualdez ang nangunguna sa sinasabing pamamahagi ng mobilization funds para bilhin ang suporta ng publiko sa People’s Initiative.
Bagama’t masaya sa naging hakbang ng Senado nang pormal na ihain ang Resolution of Both Houses of Congress para amiyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon, aminado si Tulfo na matagal na dapat itong ginawa lalo’t iniuugnay na ang Mababang Kapulungan sa People’s Initiative, term extension at iba pang isyu.