Buo ang suporta ni House Speaker Martin Romualdez sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na magpatupad ng price ceilings sa bigas para masiguro ang access sa abot-kayang halaga nito.
Ayon kay Romualdez, napapanahon ang implementasyon ng price ceiling sa staple food dahil mapoprotektahan ang mga Pinoy laban sa bigat na pinapasan dulot ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Pinuri rin ng House leadership ang pagtutulungan ng Department of Agriculture, DTI at Bureau of Customs para maging matagumpay ang direktiba kasabay ng pagtugon sa hamon ng external, global events at internal market manipulations.
Siniguro naman ni Romualdez na bilang bahagi ng oversight function ay mas pagsusumikapan ng Kamara na palakasin ang comprehensive investigation laban sa hoarding at manipulasyon ng presyo ng bigas at iba pang food at agricultural products.
Makikipag-ugnayan aniya ang lehislatura sa executive branch sa pagpapatibay ng mga sistema at mekanismo na titiyak sa kapakanan ng consumers, patas na market competition at susugpo sa mga masamang gawain na nagpapabagsak sa ekonomiya.
Dagdag pa ni Romualdez, pangunahing tungkulin ng Kongreso na gawing stable at mura ang mga suplay ng essential commodities para sa publiko.
