Iniulat ni Speaker Martin Romualdez na natapos ng Kamara ang trabaho nito kasunod ng pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng lahat ng priority measures ni Pangulong Bongbong Marcos at ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Sa ginanap na full LEDAC meeting na pinangunahan ni Pangulong Marcos sa Malacanang ngayong araw, sinabi ni Romualdez na hinihintay na lamang ang hakbang ng Senado sa ilang priority legislative proposals.
Ibinida nito na nagawa ng Mababang Kapulungan ang “homework” nito at ang accomplishments ay sumasalamin aniya sa “proactive” na paninindigan sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan alinsunod sa Philippine Development Plan at 8-point socioeconomic agenda sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework ng pangulo.
Inihayag din ni Romualdez na naipasa sa third and final reading noong Marso ang lahat ng dalawampung priority LEDAC measures na mas maaga ng tatlong buwan.
Tatlo sa mga ito ang naisabatas, tatlo ang sumasailalim sa enrollment process kung saan dalawa ang pinagtibay ang conference committee reports at isa ang in-adopt bilang amiyenda sa House bill.
Idinagdag ng House Speaker na apat na panukala ang tinatalakay ng bicameral conference committees habang sampu ang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.
Hihintayin umano ang bersyon ng Senado para sa posibleng pag-adopt ng Kamara bilang amendment o para sa bicameral conference committee meeting.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Marcos bilang batas ang tatlong LEDAC bills na kinabibilangan ng Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System Act, Real Property Valuation and Assessment Reform Act at ang Negros Island Region Act.
Samantala, sa inisyal na impormasyon mula sa Office of the Speaker, dalawampu’t walong panukalang batas na tinukoy ng LEDAC ang target na maipasa bago ang pagtatapos ng 19th Congress.