Librong hiniram sa aklatan ng isang British Cathedral, naibalik matapos ang 300 taon

Tatlong siglo ang lumipas bago tuluyang naibalik sa aklatan ng isang British Cathedral ang isa nitong libro na hiniram noon pang 1700s.

Ayon kay Rev. Canon Keith Farrow, ang vice dean at canon missioner ng Sheffield Cathedral simula 2014, dumating nitong nagdaang linggo ang librong ‘The Faith and Practice of a Church of England Man’ kasama ng isang sulat mula sa isang babae na nagpapaliwanag sa pinagmulan ng aklat.

Galing umano ito sa isang babae sa Wales kung saan sinabi nitong nahalungkat niya sa mga gamit ng kanyang pumanaw na ninang ang nasabing libro at kasama sa mga habilin nito na ibalik ang aklat sa Sheffield Cathedral.

Nakapaloob umano dito ang sulat na may petsang 1709 kung saan nakasaad na ang aklat ay pag-aari ng lending library sa Sheffield church o ang Sheffield Cathedral.

Ayon kay Rev. Farrow, kilala noon ang aklatan ng cathedral bilang isang local feature bago ito giniba noong 1800s.

Pagbibiro nito, kung kukwentahin ang multa sa pagiging overdue ng aklat ay maaari na nitong maibili ng bagong bubong ang cathedral.

Sa kabila nito ay nangako ang pamunuan ng cathedral na hindi na mumultahan ang pamilya ng humiram ng aklat dahil ang mas mahalaga umano ngayon ay nakabalik na ang tinawag nitong ‘little jewel’ sa Sheffield Cathedral.

“But I did promise the family I wouldn’t charge them the fine — they’ve returned the book and that’s wonderful. So this little book, just over 300 years ago, left the library. Now it’s come back home so it’s a joy to have this little jewel back here in Sheffield Cathedral,” ayon kay Furrow. || Shiela Madrigalejos