Isinulong ni Senador Christopher Bong Go na mabigyan ng libreng Annual Medical Check-up ang lahat ng mga Filipino.
Ayon kay Go naging ‘eye-opener’ ang naranasang COVID-19 pandemic kung gaano kahirap para sa mga low-income Filipinos ang makakuha ng basic preventive healthcare.
Ito umano ang dahilan kung bakit inihain ni Go ang “Free Annual Medical Check-Up Bill” sa 19th Congress.
Sa ilalim ng iminungkahing panukala, ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay magtatatag at magpapatupad ng Libreng Taunang Medical Check-Up na programa na magpapahintulot sa lahat ng Pilipino, sa bisa ng kanilang pagiging miyembro sa PhilHealth na sumailalim sa screening, laboratory at diagnostic tests, at konsultasyon nang walang bayad.
Isinasaad din sa panukalang batas na dapat magpatupad ang Philhealth ng komprehensibong outpatient benefit package.
Tutukuyin ng PhilHealth ang mga laboratoryo at diagnostic test na isasama sa Free Annual Medical Check-Up na programa batay sa kasalukuyan at umuusbong na pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.
“Dahil kulang sa pera, maraming mga kababayan natin ang takot magpatingin sa doktor. Imbes na ibayad sa pagpakonsulta, ibili na lang nila ng pagkain. Kaya ang simpleng high blood pressure, minsan ay lumala pa at nahulog sa cardiovascular disease, kidney damage, atbp. Dahil mas seryoso ang sakit, mas magastos,” ayon kay Go.