Hindi pa umano nagkakaroon ng kahit anong requests ang mga local government units (LGUs) para sa mga food packs na ibibigay sa mga apektadong residente ng granular lockdown.
Ito ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya sa ulat na wala pa umanong naipapamigay na tulong sa mahigit 3,000 pamilyang apektado ng lockdown.
Ayon kay Malaya, nakahanda na ang nasa 1,000 food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibibigay ng mga ito sa mga LGU oras na makatanggap ng request ang ahensya mula rito.
Nilinaw rin niya na walang cash assistance na matatanggap ngayon dahil nasa P11.2 billion na umano ang nagastos ng gobyerno sa isinasagawang lockdown noong nakaraang buwan sa NCR, ngunit nasa LGU na rin umano ang desisyon kung magbibigay ang mga ito ng ayuda sa apektado nilang residente.