LGU-Castilla at concerned agencies, tinalakay ang problema hinggil sa pagtaas ng kaso ng diarrhea  

Sa layuning matugunan ang problema hinggil sa tumataas na kaso ng Diarrhea sa bayan ng Castilla, pinulong ni Mayor Bong Mendoza ang mga komitiba na nakakasakop sa nasabing usapin.

Kinabibilangan ito ng Local Health Board (LHB), Integrated Water and Sanitary Hygiene (IWASH), Zero Open Defecation (ZOD) at ang Municipal Drinking Quality Monitoring Committee (MDQMC).

Kabilang sa mga tinalakay ang mga sintomas ng nasabing karamdaman at ang mga dapat na gawin upang ito ay maiwasan.

Matatandaan na batay sa datos ng Municipal Health Office ng LGU nitong Enero lamang ay mayroon nang 94 na kaso ng nagkakasakit sa Diarrhea, ayon ito sa report ng ilang mga barangay kung saan mula sa nasabing bilang ay dalawa ang namatay kabilang ang isang senior citizen sa Brgy Mayon at isang 30 taong gulang sa Brgy Pandan.