CAMARINES NORTE – Pinalawig ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte ang deadline para sa pag-renew ng business permit, tricycle at pedicab franchise ng hanggang sa Pebrero 29 ng taong kasalukuyan nang walang ipapataw na penalty.
Ito ay upang matulungan ang mga maliliit na negosyante, tricycle at pedicab drivers and operators.
Kahapon ay inaprobahan sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan ang kahilingan ni Mayor Adrian Davoco na palawigin ng isang buwan ang deadline na dapat sana ay magtatapos ngayong Enero 31.
Ayon kay Vice Mayor Ramir Barrameda,mayroon naman talagang mga nagmamay ari ng negosyo maging ng mga operator at driver ng tricycle at pedicab na hindi kaagad- agad nakakapag renew dahil sa hirap ng buhay.
Paliwanag ng Bise Alkalde na nitong mga nagdaang taon ay lagi naman talagang nagbibigay ng extension ang LGU.
Sa kabila nito umapela ang opisyal sa mga business owner, tricycle at pedicab drivers at operators na mag renew na ng business permit at prangkisa kung magagawa na ito at huwag nang hintayin ang pinalawig na deadline.
