LEGAZPI CITY – Naglabas na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng resolusyong nag-uutos kay Legazpi City Councilor Al Barizo na bakantehin ang puwesto nito.
Kasunod ito ng pagpatibay ng Commission on Elections (COMELEC) sa resolusyon ng pagdidiskwalipika kay Barizo sa pagtakbo nitong konsehal sa nakaraang national and local elections noong Mayo 2022.
Dahil dito, ang naturang ahensya ay inaatasan nang ipatupad ang resolusyon sa pamamagitan ng pagbigay ng kopya kay Barizo na nag-uutos sa pag-alis sa kanya ng anumang kapangyarihan at otoridad sa Office of the Councilor.
Samantala, natanggap na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang kopya ng kautusan pati na rin ang Legazpi City Hall.
Ngayon ay hindi pa malinaw kung sino ang papalit sa kanya sa posisyon, subalit ang DILG ay nakikipagtulungan na kay Gov. Atty. Edcel Grex Lagman para sa magandang transition.