Agad na ibinasura ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang isinusulong na pag-amiyenda sa Saligang Batas na magpapalawig sa termino ng mga kongresista.
Kasunod ito ng inihain ni Ilocos Norte Representative Angelo Marcos Barba na Resolution of Both Houses Number 8 na layong i-extend sa limang taon ang termino ng mga kongresista mula sa kasalukuyang tatlong taon at limitahan sa dalawang magkasunod na termino o kabuuang sampung taon.
Ayon kay Dalipe, ang nais ipasa ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ay ang pag-amiyenda sa restrictive economic provisions upang manghikayat ng mas maraming foreign investments.
Mananatili aniya ang kanilang adbokasiya dahil sa paniniwalang ito ang makabubuti para sa bansa at tatanggapin ng taumbayan.
Punto ni Dalipe, suportado ng business community at ng publiko ang panukalang economic constitutional amendments.
Sa katunayan, binanggit nito ang survey ng big data research firm na Tangere na nagpapakitang anim sa bawat sampung Pilipino ang pabor sa proposed economic reforms dahil magreresulta ito sa maraming trabaho, pagkakakitaan at mas mabilis na paglago ng ekonomiya.
Magdudulot lamang umano ng pagkakawatak-watak ang political amendments at pagsususpetsahan na para lamang sa pansariling interes ang motibo nito.
Dagdag pa ng kongresista, naisumite na ng Kamara ang economic Charter amendments sa Senado kaya malabo nang ikonsidera ang isa pang constitutional amendment resolution.