LEGAZPI CITY — Ilan sa mga nagtitinda ng sikat na laruang “lato-lato” sa lalawigan ng Albay ang nagpahayag ng opinyon tungkol sa kagustuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) na ipagbawal na pagbebenta ng nito.
Isa si alyas “Ibrahim” sa nagsalita ukol dito, kung saan sinabi niya na kung magkagayon o tuluyan nang ipagbawal ng ahensya ang pagbebenta ng nasabing laruan, itatapon niya na lamang ang mga ito.
Kwento niya sa Brigada News FM Legazpi, siya ay mula sa Davao at dumayo lamang siya sa lalawigan para sa kanyang negosyong pagtitinda at isa nga sa kanyang ibinebenta ay ang lato-lato.
Mula umano nang nauso ang laruang ito, malakas ang kanyang benta.
Subalit, simula nang sinabi na ng DTI na nais nilang ipagbawal ang pagbebenta nito, tumumal na umano ang kaniyang benta.
Ayon sa kanya, sa halip na makulong ng mga otoridad dahil sa pagbebenta nito, hindi na niya ipapaubos ang kanyang mga lato-lato at itatapon na lamang ang mga ito sa oras na ipagbawal na.
Hindi rin aniya ipapamigay ni Ibrahim ang mga paninda kung ito man ay ipagbabawal na dahil ayaw niya naman na may madamay pa.
Nasa hindi na tataas pa sa 100 piraso ang kanyang ibinibentang lato-lato sa ngayon, at halos wala na ring mga bumibili.
Saad pa niya, mayroong pagkakataon na wala talaga siyang benta sa lato-lato, marahil dahil sa anunsyo ng DTI.
Kung matatandaan, inihayag ng ahensya na nais nilang ipagbawal ang pagbebenta ng nasabing laruan dahil umano sa kawalan nito ng certificate of product notification mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Hindi rin umano kasi sigurado kung ligtas bang gamitin ang nasabing laruan.