Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng 20-anyos na lalaki matapos nitong saktan at i-blackmail ang dating kasintahan.
Ayon sa Rizal PNP, nagsumbong sa kanila ang biktima dahil umano sa papanakit ng suspek at pagbabanta nitong ikakalat ang maseselang video kapag hindi nakipagkita.
Agad na tinungo ng mga tauhan ng Angono Municipal Police Station ang lugar na pinangyarihan at naaresto ang suspek kung saan nakumpiskahan pa ito ng isang improvised shotgun at marijuana na may timbang na humigit kumulang 4 gramo.
Kasalukuyan nang nakapiit ang naarestong suspek sa Angono Custodial Facility para sa tamang disposisyon at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Firearms Law, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Anti-Violence Against Women and their Children.