Arestado ang isang lalaking nag-amok habang bitbit ang tubo na sinuntok at minura ang barangay police na sumita sa kanya sa Brgy. Palsahingin, San Pascual, Batangas.
Kinilala ng San Pascual Municipal Police Station ang suspek na si Wilfredo Magbojos y Lerum, nasa wastong edad at residente ng naturang bayan.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 6:20 ng gabi ng nakita ng Barangay Police Security Officer na si Russel Tumambing y Villalobos ang suspek na na naglalakad habang hawak ang tubo.
Nag-aamok umano ito sa daan kaya sinita ng biktima at pinapauwi sa kanyang bahay.
Sa halip na sumunod ay nagalit pa ang suspek at sinuntok ang biktima.
Minura pa nito ang biktima bago umuwi sa kanilang bahay.
Sa pagresponde ng mga kapulisan ay napasuko ang suspek matapos ang isinagawang negosasyon.
Nasa kustodiya na ng naturang himpilan ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Direct Assault and Frustrated Homicide.