Masama ang loob ni ginang Sylvia Briol ng Bgy. Maningning sa Puerto Princesa City.
Namatay kasi sa Ospital ng Palawan ang kanyang mister na si Manuel Briol dahil sa sakit sa puso noong February 9, 2022.
Sa Death Certificate ng kanyang mister ay natukoy na Hypertensive cardiovascular disease ang official cause of death nito matapos makaranas noon ng hirap sa paghinga.
Matapos pahintulotan ng ospital na mailabas ang labi’ ng pasyente ay agad itong ibinurol ng pamilya sa isang punerarya sa lungsod.
Pero lalo pang nadagdagan ang pagdadalamhati ng pamilya matapos na ipaalam ng pagamutan na covid-19 positive ang kanyang yumaong asawa matapos itong paglamayan ng dalawang araw.
Naniniwala si Mrs. Sylvia na walang Covid-19 symptoms ang kanyang asawa dahil rayuma umano ang iniinda nito bago namatay at nag- negative din ito sa Antigen test noong dinala sa ospital.
Ipinagtataka ni Mrs. Sylvia dahil wala umanong COVID-19 test result na ipinakita at binigay ang ospital sa pamilya.
Matapos na ipaalam ng pagamutan ay agad din na naka-quarantine ng 7 araw ang pamilya ng pasyente.
Samantala, mabigat man sa loob ay agad na ipinalibing ang covid-19 patient alinsunod sa panuntonan ng Department of Health.
Nais ngayon ng pamilya na magpaliwanag ang pamunuan at sagutin ng Ospital ng Palawan ang ibinayad nila sa punerarya na umabot ng mahigit 40, 000.00 dahil hindi agad naipaalam ang totoong resulta ng covid-19 test.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Brigada sa ONP.