Lalaki sa Iran, kinilala ng Guinness dahil sa kakayahang magbalanse ng 85 sakanyang katawan

Iran — Hindi pangkaraniwan ang ipinamalas na kakayahan ng isang lalaki mula sa bansang Iran matapos nitong makuhang balansehin ang 85 piraso ng kutsara sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Dahil sa kakaibang talento, kinilala ng Guinness Book of World Records si Abolfazl Saber Mokhtari bilang “living human” na kayang magbalanse ng pinakamaraming kutsara sa katawan.

Kwento ni Mokhtari sakanyang interview, hindi niya sinasadyang madiskubre ang kanyang talento noong siya ay paslit pa lamang. Lumipas umano ang mahabang panahon at sa tulong ng kanyang pagsusumikap, naging eksperto at napaghusayan niya ang kanyang talento.

Ang sikreto rin aniya sa kanyang natatanging kakayahan ay ang makapaglipat ng enerhiya mula sa kanyang katawan patungo sa bagay na kanyang gagamitin.

Kaya naman hangga’t maaari ay buong focus ang kanyang inilalaan sa mga kutsara upang hindi ang mga ito magalaw at mahulog.

Ang nasabing record ay naagaw ni Mokhtari mula sa dating may hawak nito na si Marcos Ruiz Ceballos mula sa bansang Spain kung saan tanging 64 na kutsara lamang ang kaya nitong balansehin.

Gayunpaman, gusto ni Mokhtari na maipakita sa buong mundo ang kanyang talento at makapaglakbay sa iba’t ibang bansa at upang maipamalas ang kanyang tagumpay.### CARL ANGELO SARZA – INTERN