CAMARINES NORTE- Sinaksak ng dalawang beses sa tiyan ang isang lalake ng dati nitong nakaalitan pasado alas 10 Linggo ng gabi sa Purok 4, Barangay San Roque, Mercedes, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si Larry Lastimosa y Vergara 27, binata at residente sa nabanggit na lugar.
Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office nag aayos lang noon ng duyan ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang bigla itong sinugod ng suspek na nakilalang si Jhonson Pua Jr y Espina 30 na residente rin sa parehong lugar at ginawa ang pananaksak.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima para malapatan ng lunas habang ang suspek naman na nakainom ng mga oras na iyon ay isinuko ng mga kamag- anak nito at dinala sa Tourist Police Assistance Center ng Mercedes MPS.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya mayroon na umanong dating alitan ang biktima at ang suspek na naging dahilan ng pananaksak ng huli.
Nasa kustodiya na ngayon ng Mercedes MPS ang suspek para kaharapin ang kaukulang kaso laban dito.

