KORONADAL CITY- NAGSASAGAWA ngayon ng emergency harvest ang mga fish cage operators sa bayan ng Lake Sebu dahil sa muling pagtama ng ‘kamahong’ o fish kill na sanhi ng pagkamatay ng mga isdang tilapia.
Ayon kay Lake Warden Rudy Muyco na nagsimula ang ‘kamahong’ noong Miyerkules kung saan labis na naapektuhan ang mga mga fish cages sa Barangay Poblacion o 30% ng lake area.
Inihayag ni Muyco na dahil sa dikit-dikit na mga fish nets at masamang lagay ng panahon, bumaba ang dissolve oxygen sa lawa na naging dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Karamihan aniya sa mga namatay ay mga maliliit na tilapia.
Dahil dito, napilitan ang mga fish cage operators na magsagawa ng emergency harvest upang maisalba pa ang mga natitira nilang tilapia upang maibenta.
Ang presyo nito ay nasa P 30 hanggang P 50 per kilo sa mga maliliit na tilapia, habang nasa P 90 hanggang P 120 per kilo naman ang malalaking isda.
