SORSOGON CITY—Nakapagtala ng lahar flow ang ilang bahagi ng Cadac-an river sa bayan ng Irosin, Sorsogon ngayong hapon.
Ito ay matapos na iagos ng tubig ulan ang mga abong naipon sa dalisdis ng Bulkang Bulusan kasunod ng phreatic eruption noong Linggo, June 5.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Cogon na naabutan ng Brigada News team, malakas ang ulan kaninang umaga sa kanilang lugar na maaaring naka trigger sa pagkaanod ng mga naimbak na abo paibaba sa mga river channels.
Bunsod nito ay kontaminado ng abo mula sa bulkan ang bahagi ng Cadac-an river sa nasabing barangay na pinangangambahang magdulot ng fish kill.
Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kung magtutuloy-tuloy ang pag-ulan ay maaaring lumawak pa ang epekto ng lahar flow sa malaking bahagi ng ilog at makaapekto sa mga isda.
Sa ngayon ay nananatili sa Alert Level 1 ang estado ng Bulkang Bulusan kung kaya patuloy na nakaalerto ang Sorsogon PDRRMC at lahat ng unit nito habang patuloy din ang monitoring ng Phivolcs sa kondisyon ng bulkan.
Ang Cadac-an river ay siyang pinakamalaki at pinakamahabang ilog sa lalawigan ng Sorsogon na may habang 35 kilometro at sumasakop sa mga bayan ng Juban at Irosin mula sa paanan ng Bulkang Bulusan na umaagos papuntang Sorsogon Bay.###
