Walang mangyayaring kudeta sa liderato ng Kamara.
Ito ang tiniyak ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers kasunod ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Barbers na buo ang tiwala at suporta ng mga kongresista kay Speaker Martin Romualdez.
Sa botohan pa lamang aniya sa plenaryo ay makikita na ang kumpiyansa ng House members kung saan umaabot sa mahigit siyamnapung porsyento ang pumapabor at halos lahat ng panukalang batas ay naipapasa.
Ibig sabihin, para sa mga panukala na isinasalang sa third and final reading ay hindi umano bumababa sa dalawandaan ang bumoboto ng “yes” o affirmative.
Ipinaliwanag din ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon na ang paglipat ng maraming kongresista sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats ay isang patunay na maganda ang pamumuno ni Romualdez.
Dahil dito ay imposible umano na magkaroon ng pagbabago sa liderato.
Mababatid na inihayag ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri na naramdaman na umano niya ang planong kudeta laban sa kanya at ipinuntong kaya siya natanggal ay dahil mayroon siyang hindi nasunod na “instructions”.