Sumulat ang isang mambabatas sa Bureau of Internal Revenue para humingi ng kopya ng pinaka-huli nitong demand letter sa pamilya Marcos para sa paniningil nito ng bilyong halaga ng unpaid taxes.
Sa liham na ipinadala kay BIR Commissioner Cesar Dulay, hiniling ni House Deputy Minority Leader Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na magkaroon ang kanilang tanggapan ng kopya ng demand letter na ibinigay sa mga Marcos.
Ito ay gagamitin para sa isinusulong na imbestigasyon sa Kamara kung saan ay aalamin kung sino ang nagkulang kung bakit hindi pa rin mabaya-bayaran ang P203Billion na estate tax liabilities ng mga Marcos.
Ayon kay Zarate, mukhang hindi pa raw kasi sapat ang demand letters ng BIR para singilin at i-compel ang mga Marcos na gawin ang obligasyon nito na magbayad sa Gobyerno.

Ipinunto ng mambabatas ang kahalagahan na malaman ng publiko kung naging compliant ba ang mga Marcos sa mga ipinapadalang demand letter ng BIR.
Nakababahala raw kasi na tila isinasawalang bahala ng mga naiwan ni Marcos ang tungkulin nito sa Gobyerno lalo na’t tumatakbo pa sa 2022 national elections ang anak nito.
Giit ni Zarate, isang malinaw na panganib sa Piliinas ang isang kandidato na lantarang iniiwasan ang mga tungkulin nito sa pagbabayad ng buwis.
#