Bangkay ng lahat ng batang nalunod sa Lawa ng Taal, sa Balete, Batangas narekober na ng mga awtoridad

Narekober na ng mga awtoridad ang lahat ng katawan ng limang batang nalunod sa lawa ng Taal sa bahagi ng Balete, Batangas.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Ginang Janet Onrubia, pinuno ng Balete Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ganap na alas-10:00 kaninang umaga ng mahanap at marekober ang katawan ng dalawa pang bat ana nalunod sa malalim na parte ng lawa.

Una na rito ay dalawang bangkay na ang narekober ng mga tauhan ng Philipine Coast Guard (PCG) kahapon habang isa naman kaninang bandang mga alas-7:00 ng umaga.

Naging katuwang naman ng PCG sa isinagawang rescue operation ngayong araw ang rescue team mula sa bayan ng Nasugbu, Batangas.

Ayon kay Onrubia, nadala na sa punerarya ang bangkay ng huling dalawang bata na narekober mula sa lawa.

Kahapon ng tanghali nang magtungo ang mga bata mula Lipa City, Batangas sa nasabing lugar kung saan hindi umano namalayan ng mga kasama nito na napunta na sila sa malalim na lugar na siyang naging dahilan ng pagkalunod ng mga biktima.

Samantala, tiniyak naman ngayon ng Balete MDRRMO na wala nang makakapunta na kahit sino sa lugar lalo pa’t bawal naman anila talagang magtungo doon. (CLAY MARQUEZ)
#