Kongresista, nanawagan sa mga embahada ng bansa na siguruhin ang safety checklist sa tirahan at workplaces ng OFWs

Pinatitiyak ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino sa Embahada ng Pilipinas ang kaligtasan ng overseas Filipino workers sa kanilang mga tirahan at pagawaan sa mga bansang pinaglilingkuran.

Kasunod ito ng pagkamatay ng tatlong Pilipino habang kritikal ang dalawang iba pa sa nangyaring sunog sa isang residential building sa Kuwait.

Ayon kay Magsino, umaasa siya ng mabilis na aksyon at tulong mula sa ating embahada sa Kuwait gayundin sa pamilya ng mga nasawing OFW mula sa Department of Migrant Workers at OWWA.

Bukod pa aniya rito ang medical assistance sa mga nasa kritikal ang kondisyon at sa pansamantalang matitirhan ng mga OFW na biktima ng sunog.

Iginiit ng kongresista na dapat siguruhin ng mga embahada, konsulado at migrant workers offices na sumasailalim sa sapat na safety checks ang mga napipiling tirahan sa host countries.

Dagdag pa ni Magsino, makatutulong sa OFWs ang angkop na impormasyon sa building safety checklist sa bawat host country lalo na sa mga unang beses pa lamang nagtutungo abroad para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *